05/25/2011 | 08:33 PM
MANILA – Iginiit ng lider ng minorya sa Kamara de Represntantes na higit na kailangang pagtibayin ngayon ang kontrobersiyal na Reproductive Health bill, dahil sa patuloy na pagdami ng mga Pinoy na walang trabaho sa bansa.
Ayon kay House Minority Leader Rep Edcel Lagman, pangunahing may-akda ng panukala, ang pagdami ng walang trabaho sa Pilipinas ay nagpapakita ng kawalan ng komprehensibong programa ng pamahalaan sa pagpaplano ng pamilya.
“This development should spur Congress to finally enact into law the reproductive health bill because there are empirical data which document the links between high fertility and resulting population growth to persistent poverty and wage stagnation in developing countries like the Philippines," paliwanag ni Lagman sa isang pahayag nitong Miyerkules.
Ang pahayag ni Lagman ay reaksiyon sa resulta ng survey na ginawa ng Social Weather Station (SWS) nitong Marso, kung saan lumitaw na lumobo sa 11.3 milyon na Pilipino ang walang trabaho, kumpara sa 9.9 milyon na naitala noong Nobyembre 2010.
Batay sa isinagawa umanong pag-aaral ng mga ekonomistang sina Ernesto Pernia at Aniceto Orbeta, kadikit ng mabilis na pagdami sa populasyon ang pagdami ng mga naghahanap trabaho.
Ang resulta umano nito ay pagliit ng kita o pagdami ng mga walang trabaho, kung hindi masasabayan ng paglikha ng mga panibagong trabaho.
Bukod pa umano ito sa isinagawang pag-aaral ng World Bank na nagsasaad na mas mahirap ang buhay sa mga pamilya sa developing countries, kung saan ang maliit na kita ay hindi nakasasapat para sa pamilya na marami ang miyembro.
“This means workers in the lowest economic quintile who are precisely the ones who are already the most impoverished would also be the ones most affected by falling wages", giit ni Lagman.
Nitong Martes, bagaman dapat ikabahala umano ni Pangulong Benigno “Noynoy" Aquino III ang pagdami ng walang trabaho, sinabi ni Novaliches Bishop Emeritus Teodoro Bacani, na hindi dapat isisi lahat sa gobyerno ang pagdami ng walang hanap-buhay.
“Marami namang factors ngayon ang nangyari, tandaan mo ang mundo nagkagulo ang Middle East at saka ang United States bumagsak ang ekonomiya. ‘Yan dalawang factors na ‘yan apektado ang ekonomiiya natin, at kung apektado ang ekonomiya natin, apektado din ang hanapbuhay natin," paliwanag niya.
Binigyan-pansin din ni Cruz ang mga problemang iniwan ng nakaraang administrasyon
na minana ng gobyerno ni Aquino, kabilang na ang hindi raw tamang paggamit ng pondo ng gobyerno.
Kasalukuyang pinagdedebatihan sa Kamara ang RH bill, na ang layunin ay isulong paggamit ng mga artificial contraceptives upang makontrol ang paglaki ng populasyon.